Pag-aaruga't Katarungan: Panawagan para sa Hustisya
Isang kapabayaan ang panawagan ng pagpapababa ng Minimum Age of Criminal Responsibility (MACR), lalo na sa mga mambabatas na suportado ito. Pagtakas ito sa mas malaking responsibilidad na kakabit matapos ang maayos at tamang implementasyon ng batas – ang paggabay at muling pagpapalaki sa mga batang sangkot sa karahasan.
Isang kapabayaan din na isisi lang sa mga video games at mga napapanood online ang puno’t dulo kung bakit nagawang pumatay ng mga batang sangkot. Pagsasawalang-bahala ito sa tunay na ugat ng kultura ng karahasan sa ating bayan. Hindi lang naman sa pisikal nakikita at nararamdaman ng mga bata ang karahasan; nariyan ang gutom, kawalan ng edukasyon, kahirapan, korapsyon at iba pa. Urong ang pag-iisip na mayroong ipinapanganak na marahas, pero mali ring isipin na hindi natin kayang kolektibong magpalaki at mag-aruga ng mga batang may malasakit sa isa’t isa.
May kasaysayan ng kapabayaan ang ating bansa, halimbawa na lang ang War on Drugs noon na naging saksi, danas, at biktima rin ang maraming kabataan. Sinusustentuhan lang natin ang kultura ng karahasan sa pagsuporta natin sa mga politikong mapang-abuso at nakakabenepisyo sa kultura ng impunidad o kawalan ng pananagutan sa ating lipunan ay nakakaapekto rin sa kung papaanong mag-isip ang kabataan.
Walang hustisya sa karagdagang pagmamalupit sa mga batang biktima lang din ng sistema naging malupit din sa kanila — ipinagkakait lalo natin sa kanila ang lumaking may dignidad, pangarap, at kinabukasan, lalo na sa mga kabataang mula sa pamilyang pingakaitan ng maayos at maginhawang buhay.
May kasaysayan din naman ng pagkalinga ang ating bansa. Hindi nawala ang mga nakikibaka para sa isang mundong mas mapag-aruga. Naniniwala ang DAKILA na tungkulin ng gobyernong tiyakin ang isang ligtas, makatao, at makatarungang bayan para sa mga bata. Walang pag-iilusyon na ang Juvenile Justice Law ang sagot sa lahat, tandaan natin na magkakakawingkawing din na solusyon ang kinakailangan para magpalaki ng kinabukasan.
Piliin natin ang pag-aaruga kaysa pagpaparusa. Tutulan natin ang pagpapababa ng MACR at sama-samang isulong ang lipunang may dignidad, hustisya, at malasakit para sa kabataan